Miyerkules, Setyembre 16, 2009

Ang Pinagmulan ng Santo Rosaryo

Ang Pinagmulan ng Santo Rosaryo

Mga magulang ko’t mga kapatid bago po natin tuluyang pag-usapan kung papaano nalikha ang Santo Rosaryo, ay pag-usapan po natin higit sa lahat ang mahalagang bahagi ng panalangin ng ating Panginoong Hesukristo at ang Salterio, ito po yung Ama Namin ang panalangin na kung saan ay itinuro ng ating Panginoong Hesukristo sa kanyang mga apostoles noong unang panahon at ang Aba Ginoong Maria na matatagpuan natin sa banal na kasulatan (Genesis 3:15) ng binati ng Archanghel Gabriel si Ginoong Sta. Maria, Ito po ang unang dasal ng mga nag-dedebosyong mananampalataya noong unang panahon, ito yung dasal na ginamit noon ng mga Apostoles at ng mga desipolo. Mag-pasahanggang ngayon sa kasalukuyanang panahon ng Espiritu Santo na nagpatawag sa aba at mababang pangalang Mahal na Ingkong ay patuloy itong isinasabog at ikinakalat sa buong mundo sa pamamagitan ng nag-iisang simbahang kanyang tinatag ang Apostolic Catholic Church ay itinuturo ang tamang pagdarasal ng Sto Rosaryo, sa pamumuno ng aming pinakamamahal na Patriyarka Dr. Juan Florentino L. Teruel, P.P.
Pero noong taong 1214 lamang ito natanggap ng Santa Iglesia o nang simbahan. Ganun pa man ang Banal ng Ina ng Simbahan ay natanggap ang Rosaryo sa kasalukuyang anyo nito at ayon sa pamamaraan ng paggamit nito. Ito po ay ibinigay sa simbahan sa pamamagitan ni Sto. Domingo na siyang pinagbigyan ng Mahal na Birhen Maria nang sa kadahilanan ay mabigyan ng lakas o impluwensya na magbalik loob ang mga Albigenses at ang mga makasalanan.

Mga magulang ko’t mga kapatid dito po ay malalaman natin kung papaano natanggap ni Sto. Domingo de Guzman ang Sto. Rosaryo, na kung saan ang Kwento po ay natagpuan sa napaka-sikat na librong “De Dignitate Psalterii” mula kay Blessed Alan de la Roche:

Nang mga panahong iyon ni Sto Domingo de Guzman nakita nito na malubha na sa paggawa ng kasalanan ang mga Albigenses at dapat nang pigilan ang mga ito nang sa gayon ay magbalik loob sa makapangyarihang Diyos, kaya ng mga oras na iyon ang ginawa niya ay bumalik siya sa kagubatan upang magdasal malapit sa Toulouse, na kung saan ay walang tigil siyang nanalangin ng tatlong araw at tatlong gabi at sa mga oras na yun ay wala siyang ginawa kundi lumuha at humagulgol at malupit na penitensiya o pagpapakasakit ang kanyang ginawa nang sa gayon ay mapahinahun o mapawi ang galit ng Makapangyarihang Diyos. Nang matapos ay mahinahun siyang kumilos na tila nagutay-gutay ang kanyang katawan matapos ay siya’y bumaksak at nawalan ng malay-tao.

Sa pagkakataong ito ang Mahal na Birhen ay nagpakita sa kanya, kasama ang tatlong anghel at siya’y nagwika:

“Mahal na Domingo, alam mo ba kung ano ang sandata ng Mahal na Santisima Trinidad na kailangan gamitin para mapabuti at mapagbago ang mundo?”

“Oh, Mahal na Birhen,” sagot ni Sto. Domingo, “kayo po ang nakakaalam kaysa sa akin kung ano po ang nararapat dahil kayo po ang sumunod sa inyong anak na si Hesukristo ang laging may pinakamataas na kasangkapan para po sa aming kaligtasan.”

At sumagot ang Mahal na Birhen:

“Gusto kong malaman mo na, sa ganitong uri ng digmaan, ang dudurog at wawasak niyan ay ang Orasyong Saltero na kung saan ito yung saligang bato ng Bagong Tipan. Kaya’t kung gusto mong maabot itong talamak na mga kaluluwa na patuloy sa paggawa ng kasalanan at manalo sa kanila sa tulong ng Diyos, ipahayag mo ang aking Saltero.”

Siya ay tumayo, guminhawa ang kanyang pakiramdam at nakadama siya ng init ng kasigasigan na mapagbalik loob ang mga tao sa kanilang purok, siya ay pumunta sa Dambanang Simbahan. At ang mga angel ay kinalembang ang kampana ng simbahan nang sa gayun ay magtipon-tipon ang lahat ng tao at si Santo Domingo ay nag-umpisang mangaral.

At sa simula ng kanyang pangaral ay nakapangilabot ang sumiklab sa bawat isa, alalaumbagay ang mundo ay nanahimik, ang araw ay dumilim at kumulog ng malakas at kumidlat, ang lahat ay natakot at nangamba. Labis silang natakot nang makita nila ang larawan ng Mahal na Birhen na nagpakita sa tanyag na lugar at nakita nilang itinaas niya ang kanyang bisig sa kalangitan ng tatlong beses para pumanaog ang Diyos ng buong lakas at pwersa nang sa kadahilanang hangarin sa tao, na kung sila’y di-magtagumpay na mag-balik loob sa Diyos, at baguhin ang uri ng kanilang pamumuhay at hingin ang pagsanggalang o kaligtasan sa Banal na Ina ng Diyos.

Ang nais ng Diyos sa pamamagitan ng mahiwagang pangyayari at kababalaghan ay lumaganap ang bagong panalangin “ang Santo Rosaryo” at ito’y gumawa nang malawakan pagkilala.

Pagkatapos, sa pagdarasal ni Santo Domingo, ang bagyong dumating ay nawala at siya ay tumungo sa pangangaral. Masiglang talakayan at pilit niyang ipinaliwanag ang kahalagahan ng Santo Rosaryo na halos lahat ng sambayanan ng Toulouse ay tumanggap at niyakap itong Santo Rosaryo at tinalikuran na nila ang huwad o maling pagsampalataya. Hindi nagtagal ay napakalaking pagbabago ang nakita sa mga taong bayan, ang mga tao ay nagsimulang mamuhay ng mabuti, nagbabanal, may takot sa Diyos at palagiang pagdarasal ng Santo Rosaryo. Iniwan na nila ang dating nakasanayang masamang pag-uugali, bisyo at pag-gawa ng kasalanan.

Ave Maria Purissima,

Mga magulang ko’t mga kapatid sa ngalan ng Mahal na Ingkong at ng Mahal na Birhen Maria at ng Mama Sta. Maria Virginia, nawa po ang maikling kuwentong ito ay makapagbigay inspirasyon sa lahat ng nagdarasal ng Santo Rosaryo at mapalaganap pa ng mga tinatakan ng Mahal na Ingkong ang pagdarasal ng Santo Rosaryo sa buong mundo, mas maraming manggagapas na mga kaluluwa gaya ng mga winika ng Mahal na Ingkong “Maging salbabida kayo ng maraming kaluluwa. Hikayatin ninyo sila sa gawaing kabanalan, laluna sa pagdarasal ng Santo Rosaryo.” at masumpungan pa ng nakararami, ng mga hindi pa nakakaalam ng Kaganapang ng Diyos Espiritu Santo ang Mahal na Ingkong.

Ave Maria Purissima.

Ang pagpapala, kapayapaan at pag-ibig ay sumaating lahat mula sa Kataas-taasang Diyos AMA, ANAK at ESPIRITU SANTO. Amen.