Martes, Hunyo 23, 2009

Ang Pagdarasal ng Sto. Rosaryo


Ave Maria Purissima...
Sa Pangalan ng Diyos AMA, ANAK at ng ESPIRITU SANTO. Amen.
Mga magulang ko’t mga kapatid sa pananampalataya mula nang makilala natin ang Diyos Espiritu Santo na nagpatawag sa aba at mababang pangalang Mahal na Ingkong sa iba’t ibang pamamaraan, sa iba’t ibang sitwasyon at lugar, sa puso natin Siya’y ating nadarama, Siya ay nagpapaalaala sa atin at nagturo ng tamang pagdarasal ng Sto. Rosaryo at nag-tuwid nang ating mga pagkakamali at pagkakasala.

Ang pagdarasal po ng rosaryo ay dalawang klaseng pamamaraan ang una ay tinatawag pong “mental prayer” ang pagdarasal sa pamamagital ng isip na kung saan ay taimtim po nating pinagninilay-nilay ang mga Misteryo ng Tuwa, Hapis at Luwalhati sa pagdarasal ng Sto. Rosaryo. Ang pangalawa naman po ay tinatawag nating “vocal prayer” ang pagdarasal sa pamamagitan ng pagbibigkas ng ating bibig (boses o salita) ay buong puso po nating pinagninilay-nilay ang mga Misteryo ng ating Panginoong Hesukristo at ng Mahal na Birhen Maria sa pagdarasal ng Sto. Rosaryo ng may buong lakas at sigla.



Sa pagdarasal ng Sto. Rosaryo tayo po ay mag-uumpisa sa Krus, hawak-hawak po natin ito at tayo po ay babati ng Ave Maria Purissima” at sasagot ng “Cin Picado Con Su Vida” at ituturo ang kanang kamay sa dibdib na magkadikit ang tatlong daliri na nag-sisimbolo sa Tatlong Persona sa Iisang Diyos. Diyos AMA, Diyos ANAK at Diyos ESPIRITU SANTO, at mag-Tanda ng Santa Krus:
Ang Tanda ng Santa Cruz, ipag-adya Mo po kami Panginoon naming Diyos, sa lahat ng aming mga kaaway at masasama. Sa Pangalan ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Amen.
Binibigkas po natin “Ang Sto. Rosaryo”, dasalin ang “Pagsisisi”:


Pagsisisi:

Panginoon kong Hesukristo, Diyos na totoo at tao namang totoo. Gumawa at sumakop sa akin. Pinagsisisihan kong matibay, masakit sa tanang loob ko, ang dilang pagkakasala ko sa Iyo. Ikaw nga po ang Diyos ko, Panginoon ko at Ama ko, na iniibig kong higit na lalo sa lahat. Nagtitika rin akong matibay na di na muling magkakasala sa Iyo, at nagtitika din akong mangungumpisal sa dilang kasalanan ko, at umaasa akong patatawarin Mo rin, alang-alang kay Hesukristong aming Panginoon. Siya Nawa.


at aawitin ang kantang “Lumang Krus”:


Lumang Krus

Sa malayong pook, malapit sa bundok
Nariyan ang isang lumang krus
Na pinagpakuan ng Poong Maykapal
Sa sala ng tao’y tumubos.
Koro:
Kung kaya’t aming iniaalay
Ang lahat sa lumang krus na iyan
Handog ko’y dalangin at dasal
Nang hirap Niya’y maparam.
Krus na iyan ay tigib
Ng dugo at luha
Kay Hesus na Mahal ng madla
Nagtiis ng hirap
Namatay Siya sa krus
Sa sala ng tao’y tumubos
(Repeat Koro)
ang susunod ay ang pag-antanda ng krus sa noo, bibig at dibdib sabay ang pagbigkas nito:
V. Buksan Mo Panginoon ang aming mga labi (Hawakan ang krus)
R. At ang aming bibig ay magpupuri sa Iyo.
V. O Diyos, lumapit Ka at ako’y tulungan Mo.
R. O Panginoon, magmadali Ka sa pagsaklolo sa akin.
V. Luwalhati sa Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo.
R. Kapara ng sa unang-una ngayon at magpakailan man at magpasawalang hanggan. Siya nawa.

at susundan ng dasal na “Sumasampalataya”:


Sumasampalataya

Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya naman ako kay Hesukristong iisang anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao Siya, lalang ng Diyos Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Pincio Pilato, ipinako sa krus, namatay at inilibing. Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao. Nang may ikatlong araw, nabuhay na mag-uli, umakyat sa langit, naluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat. Doon magmumula, paririto at huhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao.
Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo, sa Santa Iglesia Katolika, sa kasamahan ng mga Santo, sa ikawawala ng mga kasalanan. At hinihintay ko ang pagkabuhay na mag-uli ng mga nangamatay na tao at may buhay na walang hanggan. Amen.
susunod na butil ay dasal na “AMA Namin”:


AMA NAMIN

Ama namin na nasa Langit, sambahin po namin ang Pangalan Mo. Mapasama po nawa kami sa kaharian Mo, sundin po namin ang kalooban Mo, dito po sa lupa para ng sa langit.
Bigyan Mo po kami ngayon, ng aming kakanin sa araw-araw, at patawarin Mo po kami sa aming mga kasalanan, gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin, at huwag Mo po kaming ipahintulot sa tukso, at iadya Mo po kami sa lahat ng masama, Amen.
ang susunod naman na tatlong butil ay “ABA Ginoong Maria”:


ABA GINOONG MARIA

Aba Ginoong Maria, punong-puno ka po ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo, bukod ka pong pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala po naman ang iyong Anak na si Hesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin Mo po kaming makasalanan ngayon at kung kami’y mamamatay, Amen.
at ang sumunod na butil ay darasalin ang “Luwalhati”:


LUWALHATI

Luwalhati sa Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo.
Kapara ng sa unang-una ngayon, magpakailanman at magpasawalang hanggan. Siya nawa.
sumunod na butil ay darasalin ang “Halukatoryo”:


HALUKATORYO

I
O katamis-tamisang puso ni Hesus, iligtas Mo po kami, pagkalooban Mo po ng kapayapaan, ang buong daigdig, lalong-lalo na po ang bansang Pilipinas. At papagbalik-loobin Mo po ang mga taong makasalanan, at ituro Mo po sa kanila ang landas patungo sa Iyong kaharian, O Panginoon.
II
O Hesus ko, patawarin Mo po kami sa aming mga kasalanan. Iligtas Mo po kami sa apoy ng Impiyerno, hanguin Mo po ang mga kaluluwa sa Purgatoryo lalong-lalo na po ang mga kaluluwang walang nakakaala.
At “Pag-aalay”, pagkatapos ng pag-aalay ay babati ng “Ave Maria Purisima” at sasagot ng “Cin Picado Con Su Vida”, atin na pong pag-nilaynilayin ang labing-limang Misteryo ng Sto. Rosaryo sa unang limang misteryo ng Sto. Rosaryo ay Misteryo ng Tuwa, ang unang buting ay darasalin ang “AMA NAMIN” at sa sampung butil naman ang bawat isa ay darasalin ang “ABA Ginoong Maria” , susundan ng dasal na Luwalhati, at ang Halukatoryo I & II ay dinarasal sa unang at pang-limang misteryo, sa pangalawa, pangatlo at pang-apat na misteryo ay Halukatoryo II naman ang darasalin at aawit ng “Ave Ave Ave Maria” ng dalawang beses, ang bawat misteryo ay susundin ang dasal na ito.



MGA MISTERYO NG SANTO ROSARYO:

Mga Misteryo ng Tuwa
(Lunes at Huwebes)
1. Ang pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos.
(Lk 1:28-32)

2. Ang pagdalaw ng Mahal na Birhen kay Santa Elizabeth.
(Lk 1:39-41)


3. Ang pagsilang sa ating Panginoong Hesukristo.
(Lk 2:6-7)


4. Ang paghahandog sa sanggol na si Hesus sa templo.
(Lk 2:22-23)


5. Ang pagkatagpo sa batang si Hesus sa templo.
(Lk 2:46-47)


Mga Misteryo ng Hapis
(Martes at Biyernes)

1. Ang pagpapawis ng dugo sa halamanan ng Getsemani.
(Lk 22:42-46)

2. Ang paghampas sa Panginoong Hesukristo na nakagapos sa haliging bato.
(Mt 27:22,24-26)



3. Ang pagpuputong ng koronang tinik sa ating Panginoong Hesukristo.
(Jn 19:2-3)



4. Ang pagpapasan ng krus patungong kalbaryo.
(Jn 19:17-18)

5. Ang pagpapako at pagkamatay sa krus ng Mananakop.
(19:25-27)

Mga Misteryo ng Luwalhati
(Miyerkoles, Sabado at Linggo)

1. Ang pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoong Hesukristo.
(Mt 28:1,5-6)



2. Ang pag-akyat sa langit ng ating Panginoong Hesukristo.
(Acts 1:9)



3. Ang pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga Apostoles.
(Acts 2:1-3)



4. Ang pag-aakyat sa langit sa Mahal na Birheng Maria, kaluluwa pati katawan.
(Rev 11:19)



5. Ang pagpuputong ng korona sa Mahal na Birheng Maria, bilang Reyna ng langit at lupa.
(Rev. 12:1)
Ang susunod, pagkatapos dasalin ang mga misteryo ay aawitin ang DIOS TE SALVE:


DIOS TE SALVE

Dios te salve, Maria,
Llena eres de gracia,
el Senor es contigo.
bendita tu eres
entre todas las mujeres,
y bendito es el fruto
y bendito es el fruto
de tu vientre, Jesus.

Santa Maria, Madre de Dios,
ruega por nosotros pecadores,
ahora y en la hora
de nuestra muerte.
Amen. Jesus.


At babati ulit ng Ave Maria Purissima, atin pong pagnilay-nilayin ang Banal na “Litanya ng Mahal na Inang Birhen Maria”:


LITANYA NG MAHAL NA INANG BIRHEN MARIA

Panginoon, maawa Ka sa amin…
Panginoon, maawa Ka sa amin…
Kristo, maawa Ka sa akin…
Kristo, maawa Ka sa akin…
Panginoon, maawa Ka sa amin…
Panginoon, maawa Ka sa amin…
Kristo, pakinggan Mo kami…
Kristo, pakinggan Mo kami…
Kristo, pakapakinggan Mo kami…
Kristo, pakapakinggan Mo kami…
Diyos Ama sa langit…
Maawa Ka sa amin
Diyos Anak na tumubos sa kasalanan ng sanlibutan…
Maawa Ka sa amin
Diyos Espiritu Santo…
Maawa Ka sa amin
Kabanal-banalang Tatlong Persona sa iisang Diyos…
Maawa Ka sa amin
Santa Maria…
Ipanalangin Mo kami
Banal na Ina ng Diyos…
Ipanalangin Mo kami
Banal na Birhen ng mga Birhen…
Ipanalangin Mo kami
Ina ni Kristo…
Ipanalangin Mo kami
Ina ng Grasya ng Diyos…
Ipanalangin Mo kami
Inang Kalinislinisan…
Ipanalangin Mo kami
Inang walang malay sa kahalayan…
Ipanalangin Mo kami
Inang palaging Birhen…
Ipanalangin Mo kami
Inang di nalapitan ng masama…
Ipanalangin Mo kami
Inang kaibig-ibig…
Ipanalangin Mo kami
Inang kataka-taka…
Ipanalangin Mo kami
Ina ng mabuting kahatulan…
Ipanalangin Mo kami
Ina ng Lumalang…
Ipanalangin Mo kami
Ina ng mapag-adya…
Ipanalangin Mo kami
Birheng kapahampahaman…
Ipanalangin Mo kami
Birheng dapat igalang…
Ipanalangin Mo kami
Birheng dapat ipagbantog…
Ipanalangin Mo kami
Birheng makapangyayari…
Ipanalangin Mo kami
Birheng maawain…
Ipanalangin Mo kami
Birheng matibay ang loob sa magaling…
Ipanalangin Mo kami
Salamin ng katuwiran…
Ipanalangin Mo kami
Luklukan ng karunungan…
Ipanalangin Mo kami
Mula ng tuwa namin…
Ipanalangin Mo kami
Sisidlan ng kabanalan…
Ipanalangin Mo kami
Sisidlan ng karangalan…
Ipanalangin Mo kami
Sisidlan ng tanging katimtiman…
Ipanalangin Mo kami
Rosang di malirip ang halaga…
Ipanalangin Mo kami
Tore ni David…
Ipanalangin Mo Kami
Toreng garing…
Ipanalangin Mo kami
Bahay na ginto…
Ipanalangin Mo kami
Kaban ng tipan…
Ipanalangin Mo kami
Pinto ng langit…
Ipanalangin Mo kami
Tala sa umaga…
Ipanalangin Mo kami
Mapagpagaling sa mga maysakit…
Ipanalangin Mo kami
Sakdalan ng mga taong makasalanan…
Ipanalangin Mo kami
Mapang-aliw sa mga nagdadalamhati…
Ipanalangin Mo kami
Mapag-ampon sa mga Kristiyano…
Ipanalangin Mo kami
Reyna ng mga anghel…
Ipanalangin Mo kami
Reyna ng mga patriarka…
Ipanalangin Mo kami
Reyna ng mga propeta…
Ipanalangin Mo kami
Reyna ng mga apostoles…
Ipanalangin Mo kami
Reyna ng mga martir…
Ipanalangin Mo kami
Reyna ng mga kompesor…
Ipanalangin Mo kami
Reyna ng mga birhen…
Ipanalangin Mo kami
Reyna ng lahat ng santo…
Ipanalangin Mo kami
Reynang ipinaglihi na di nagmana ng salang orihinal…
Ipanalangin Mo kami
Reynang iniakyat sa langit…
Ipanalangin Mo kami
Reyna ng kabanal-banalang Rosaryo…
Ipanalangin Mo kami
Reyna ng kapayapaan…
Ipanalangin Mo kami
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan…
Patawarin Mo kami O Panginoon.
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sandaigdigan…
Pakapakinggan Mo kami O Panginoon.
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng santinakpan…
Maawa ka sa amin.

Dasalin ang “Manalangin Tayo”:

MANALANGIN TAYO

Hinihiling namin sa Iyo, Diyos namin at Panginoon, na ipagkaloob Mo po sa amin na Iyong mga lingkod na tamasahin namin ang walang maliw na kalusugan ng kaluluwa at katawan. At maligtas kami sa pamamagitan ng mapalad na laging Maria, sa mga kalungkutan ng buhay na ito. At Magkaroon ng kasiyahang makamtan, ang mga katuwaan ng buhay na walang hanggan, alang-alang kay Hesukristong aming Panginoon. Amen.

Susunod ang Aba Po Santa Mariang Hari”:

ABA PO SANTA MARIANG HARI

Aba po, Santa Mariang Hari, Ina ng Awa, Ikaw ang kabuhaya’t katamisan. Ay Aba, pinanaligan Ka namin. Ikaw nga ang tinatawag namin. Pinapanaw na taong anak ni Eva. Ikaw rin po ang pinagbubuntong hininga namin, ng aming pagtangis dito sa lupang bayang kahapis-hapis. Ay Aba, pintakasi Ka po namin. Ilingon Mo po sa amin ang mata Mong maawain at saka kung matapos yaring pagpanaw namin, ay maipakita Mo po sa amin ang Iyong anak na si Hesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos, maawain at maalam at matamis na Birhen.
at darasalin ang sumusunod:
Namumuno: Ipanalangin Mo kami O Banal na Ina ng Diyos.
Sagot: Upang kami’y maging marapat makinabang sa mga pangako ni Hesukristong aming Panginoon, Amen.
Lahat: Makapangyarihan at walang hanggang Diyos, na sa tulong ng Espiritu Santo, ay inihanda Mo ang kaluluwa at katawan, ng maluwalhating Inang Birhen Maria, upang maging marapat na tahanan ng Iyong Anak, ipagkaloob Mo na kaming nagagalak sa paggunita kay Maria, ay maligtas sa tulong ng Kanyang mairuging pamamagitan, sa kasalukuyang mga kasamaan, at sa kamatayang walang hanggan, sa pamamagitan rin ni Hesukristong aming Panginoon. Amen.

at dasalin ang LUWALHATI, 


aawitin ang “Ina Poon Bato”:

INA POON BATO

Ina Poon Bato, Mahal na Birhen
Tulungan Ninyo kami sa araw-araw naming suliranin
Sa aming mga kasalanan, ipanalangin Nyo’t patawarin
Sa matuwid na landas, kami ay Inyong akayin.
Ina Poon Bato, Mahal na Birhen
Kayo ang Ina, tanging pag-asa namin
Anuman ang Inyong ipagkaloob sa amin
Buong pusong pasasalamatan at tatanggapin.
Mahal na Ina ng Diyos, Mahal na Birhen
Kayo ang Ina, tanging pag-asa namin.


Ave Maria Purissima:

Alay panalangin para sa aming pinakamamahal na Patriarka Dr. +Juan Florentino L. Teruel, P.P. PhD. para sa kanyang kalakasan at malusog na pangangatawan at para sa mahabang buhay namin syang makapiling, sa pamamagitan niya ay maraming pang kaluluwang matatakan at masumpongan ang kaganapan ng Diyos Espiritu Santo ang Mahal na Ingkong sa buong Mundo.

Karagdagang panalangin para sa mga Diakono, Diakonesa at mga kaparian , mga obispo at katuwang na obispo, mga Arsobispo ng Mahal na Ingkong na patuloy sa paghahatid ng mabuting balita ng Diyos at sa patuloy na pag- bibigay ng pang araw-araw ng komunyon at sakripisyo.

At Karagdagang panalangin para sa mga 7 Arkangeles ng Diyos, sa mga Angel sa kalangitan Angelito’t, Angelita, Hijas de Maria, Kerubines, Serapines, sa mga Santo’t Santa lalong higit sa lahat kay Santa Maria Virginia ipamagitan mo po kaming inyong mga anak na umaasa sa mga biyaya’t pagpapala at pag-ibig ng Diyos, at proteksyonan kami sa aming mga kaaway at masasama. At karagdagang panalangin para po sa kapayapaan sa buong mundo lalong- lalo na po sa bansang Pilipinas.

Dasalin ang “AMA NAMIN, ABA GINOONG MARIA at LUWALHATI” ng tatlong beses, at darasalin po natin ang:

STA. MARIA VIRGINIA, IPANALANGIN AT IPAMAGITAN MO PO KAMI SA MAHAL NA SANTISIMA TRINIDAD AT SA MAHAL NA BIRHEN MARIA. (3x) (mensahe po yan ng Mahal na Ingkong noong September 3, 2011 sa Pambansang Dambana ng Ina Poon Bato Shrine ng Apostolic Catholic Church na pagkatapos ng anumang panalangin ito po ay ating darasalin)

babati ng Ave Maria Purissima ng tatlong beses, at tatlong Allelua.

Tanda ng Krus:

Ang pagpapala, kapayapaan at pag-ibig ay sumaatin pong lahat mula sa Kataas-taasang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Amen.

Tandaan:

Ang unang limang Misteryo ng Santo Rosaryo ay ang Misteryo ng Tuwa, ang ikalawang limang Misteryo ng Santo Rosaryo ay Misteryo ng Hapis, at ang ikatlong limang bahagi ng Santo Rosaryo ay Misteryo ng Luwalhati.,Ito po ang kabuoan ng labing limang Misteryo ng Santo Rosaryo na ibinigay na Mahal na Birhen Maria kay Sto. Domingo noong taong 1206 at ito rin po ang kabuoan ng ating relihiyon at ng Banal na Kasulatan. Mga magulang ko’t mga kapatid sa pagdarasal ng Santo Rosaryo panatiliin po nating maayos at tama ang ating pagdarasal hanggat maaari (walang mali), dahil dito po ay pinag-nilaynilay po natin ang mga misteryo ng ating Panginoong Hesukristo at Mahal na Birhen Maria na nahati sa tatlong bahagi ng buhay, kamatayan at kaluwalhatian nina Hesus at Maria, kaya po sa pagdarasal po natin ng Santo Rosaryo ay kailangan ilagay natin ang ating sariling intensyon sa Diyos alalaum bagay ilagay natin ang ating puso’t isipan sa Diyos sa oras ng pagdarasal habang pinagninilay natin ang mga misteryo nito, iwasan po natin na pag-nagdarasal na kung saan-saan nakatingin at ang pag-lingon sa likuran, iwasan din po natin ang anumang ingay na hindi naaayon sa pag-rorosaryo. Hanggat maaari po ay sanayin natin ang ating sarili na sa pagdarasal ng Banal na Rosaryo na ang lahat po ay luluhod bilang sakripisyo natin sa Diyos. Kung tayo man ay nakadarama ng hirap sa pagluluhod sa paghahandog ng Sto. Rosaryo ay kaginhawahan naman po sa pamumuhay ang kapalit nito, alalaum bagay puno ng biyaya’t pagpapala ng Diyos Espiritu Santo ang Mahal na Ingkong at ng Mahal na Birhen Maria, at kaligtasan sa kahit na anumang kapahamakan, disgrasya, karamdaman o sakit. Huwag din naman po natin kakalimutan mga magulang ko’t mga kapatid na dapat ay nasa tamang kasuotan tayo at ang mga kababaihan ay naka belo sa pag-darasal ng Sto.Rosaryo, nang sa gayun ay maging halimbawa at modelo tayong mga hinirang at tinatakan ng krus na puti sa noo ng Diyos Espiritu Santo ang Mahal na Ingkong at ipakilala po natin ang nag-iisang simbahang kanyang tinatag ang APOSTOLIC CATHOLIC CHURCH.

Ave Maria Purissima...
Pagpalain nawa po tayong lahat ng Mahal na Ingkong at ng Mahal na Birhen Maria. Amen.

5 komento:

serafines ogie ayon kay ...

bakit nasaan ang misteryo ng liwanag?

Apo Agathon de filadelpia ayon kay ...

May Cebuano version ba?apo agathon

Unknown ayon kay ...

Nakakamiss magsilbi sa Diyos. Lalo na ang ang simbahang COMBI

Unknown ayon kay ...

Pagpalain mo po ako Mahal na Panginoon para po sa Aking mga Mahal sa Buhay! Kasama ng Espiritu Santo.. Amen.. Ave Maria Purissima

Unknown ayon kay ...

akilagay po ang bawat misteryo s pahkasunodsunod